Tuesday, December 2, 2008

pagtingin sa kagandahan ng ngipin=p

Iisa man ang kahulugan ng ngiti may iba-iba namang paraan ng pagtingin ng isang magandang ngiti. Ang ating mga ngipin ang pinakamahalagang parte na nagpapaganda kahit ng isang simpleng ngiti lamang. Ngunit ano nga ba ang magandang ngipin? Paano nga ba malalaman kung maganda ang mga ngipin ng isang tao? May mga criteria ba ito? Iba-iba ang paghuhusga ng kagandahan ng ngipin sa iba't -ibang lugar sa Pilipinas. Iba-iba din ito ayon sa kaugalian, kultura at sining na kinabibilangan ng isang tao. Ngunit masasabing ang panahon ang may pinakamalaking bahagi na nagpapabago sa batayang ito ng kagandahan.


Nag-iiba ang batayan ng isang magandang ngipin sa paglipas ng panahon.

Ngiping katutubo:
Para sa mga T'boli ng SOCCSKSARGEN ang mapuputing ngipin ay pangit at nararapat lamang sa mga hayop, kung kaya isinasagawa nila ang tamblang, o ang pagkikil ng ngipin upang maging pantay ang mga ito, pagkatapos ay ang pagpapaitim ng ngipin gamit ang dagta ng balat ng punong kahoy tulad ng silob o olit. Ang iba sa kanila ay ginaya ang gawain ng mga kabilang sa pangkat ng Muslim, na ang mga kilalang tao, tulad ng datu at kanyang mga asawa, ay naglalagay ng ginto sa ngipin bilang pagpapahiwatig na sila ay mayaman. Ang mga Tiruray naman, literal na hinahasa ang kanilang mga ngipin dahil para sa kanila mas matalim ay mas maganda. Ngunit marami ang pangkat na kinukulayan nila ang kanilang ngipin sa pamamagitan ng pagnganga ng mga bungang may iba't-ibang kulay. Sinasabing nagpapatibay daw ito ng ngipin at hindi basta- basta nabubulok. Makikita naman natin ito sa mga matatandang nag-nganganga pa rin. Nagpatuloy ito hanggang sa pagsakop sa Pilipinas at may iba pang buhay na buhay ang ganitong kaugalian. Wala naman silang dentista kaya sila na rin ang nangangalaga ng sarili nilang mga ngipin.

Ngiping naimpluwensiyahan ng pananakop:
Sa mga panahong ito ay may iba't-ibang ideya na ang pumapasok sa ating bansa. Mga ideya na malaki ang naibigay na pagbabago sa ating pamumuhay at pag-uugali. Noong panahon ng pananakop ng Espanyol at Amerikano ay hindi pa kilala ang sipilyo ngunit maganda na para sa kanila ang ngiping nilinis ng gugo o asin. Nagiging mapagmasid na rin ang mga Pilipino sa kalinisan ng katawan at ang modelo ng malinis na katawan na ito ay ang mga mananakop na nakakasalamuha nila.Nag-uumpisa na ring maging batayan ng magandang ngipi ang mapuputi at mala-perlas na kulay nito. Nababawasan na ang mga gumagamit ng nganga lalo na sa kapatagan dahil sa dulot nitong kakaibang kulay. Nag-uumpisa nang magkaroon ng mga serbisyong pangkalusugan sa panahong itongunit hindi pa ganoon kasikat ang mga dentista. Nag-uumpisa na ring magkaroon ng idolo ang mga Pilipino. Ang panahon ng Beatles, Greta Garbo atbp. kaya nagiging conscious ang mga Pilipino sa kanilang itsura.

21st century teeth:
Ngayon iba-iba na ibinibigay na serbisyong pangkalusugan, may iba't-ibang batayan na rin ng magandang ngipin. Uso na kasi ang mga braces at may pustiso na rin para mukha pa ring kumpleto ang ngipin kahit hindi na. Ngayon mas maraming kolorete mas maganda. Ngayon hindi lang ngipin kundi pati gilagid at ngala-ngala may disenyo na. Pwede na magpalagay ng tattoo at dyamante kung gugustuhin pa. Ngayon nagiging mayaman ang mga Aesthetic Dentist na ngayon lang din naglipana sa bansa upang magbigay ng serbisyong ito. Ngayon ang mga ngipin ay nabibigyan na ng malaking pansin. Hindi lamang nakukuntento ang mga tao sa nose lift o botox kundi nagkakaroon na rin sila ng paghahangad ng mga magagandang ngipin.

Iba-ibang panahon, iba-ibang batayan. Ngunit mas matamis ang ngiti kung ito ay totoo at hindi lamang dahil maganda ang mga ngiping napapaloob dito.

No comments: