Sunday, December 28, 2008

CHRISTMAS VACATION NA!!!!!!

Sobrang excited ako sa pagdating ng bakasyon. Ilang araw na kong nagco-countdown nito. Ngayon malayo na ako sa stress na dulot ng mga subject ko. OA man tingnan kasi halo isang buwan pa lang naman ang pasukan. Hindi ako uuwi ng probinsiya dahil na rin nangako ako sa aking pinsan na isasakripisyo ko muna ang pasko ko ngayon. Magdedebut kasi siya kaya para makadalo ako hindi ako umuwi. Pumayag naman ang mama ko nang magpaalam ako sa kanya kahit na alam niyang silang dalawa na laman ng kapatid ngayong pasko. Ngunit mula kasi nang mamatay ang papa ko sa bahay ng kapatid ng mama ko kami nagpapasko. Para na rin iyong isang mlakng reunion. Marami akong pinsan doon ko ang maiiwan doon kaya gusting-gusto niyang doon kami. Masaya ako sa bakasyon ngayon. Pwede na kasing gawin lahat ng gusto kong gawin tulad ng gumala, kumain, manood ng telebisyon at matulog kahit gaano katagal. Ngayon mababawi ko na rin lahat ng pagkakatong kailangan kong magpuyat dahil na lang sa lab reports na minsan ay inaabot ng mga 2am dahil sa dami. Pero nakakapagod din ang walang ginagawa. Naalala ko tuloy iyong nakasulat sa t-shirt nung lalaki sa mall. “Hindi bali tamad, hindi naman pagod”. Pero naisip ko, nakakapagod din kaya maging tamad. Ako lang mag-isa sa bahay dahil ako pa lang ang bakayon na sa klase. Mga 3 araw pa lang akong mag-isa sa bahay ngunit feeling ko tumataba na ako kaya naisipan kong linisin ang buong bahay. Hindi ko akalaing kaya ko palang buhatin ang king size bed naming ng pinsan ko. Kapag pasukan kasi hindi naman namin ito nalilinis kasi busy sa mga assignments kahit weekends. Nilinis ko na lahat ng kailangan kung linisin dahil wala naman akong magawa. Ilang araw ding masakit ang mga muscles ko pagkatapos noon. Nang maubos lahat ng gamit namin sa kalilinis naisipan ko naman gumala. Ito lang kai ang mga exercise na alam ko. Ayaw ko naman mag-jogging. At least hindi ko kailangan putulin ang tulog ko upang mag-exerise. Napatunayan ko na hindi naman kailangan gumastos ako. Masaya na ako nakakatanaw ng mga magagandang bagay. Maaga na rin akong namili ng pang-regalo magmamahal na kasi iyon sa susunod na mga araw ngunit kunti lang kasi wala naman akong pera. Ngayon habang tumatagal hindi naman pwedeng araw-araw ako gumala. Ngayong wala na akong ginawa kundi magbasa ng Archie’s komiks. Buti na lang maraming dinalang komiks ang tito ko mula sa kakilala niya. Natapos ko na rin basahin ang apat na twilight books. Madami pa namang araw ang natitira sa bakasyon kaya magagawa ko pa namang worthwhile ang bakasyon ko. Depende naman iyon sa kung paano mo tinitreasure iyong mga oras na lumilipas.

UP CENTENNIAL LANTERN PARADE

Masayang experience ang lantern parade na ginanap noong ika-17 ng Disyembre sa UPD. Siguro dahil pinaghandaan itong mabuti dahil ginugunita ang ika-100 taon ng pagkakatatag ng unibersidad at dahil na rin kauna-unahang lantern parade ito na dinaluhan ng lahat ng UP campuses. Dati kasi katulad noong isang taon, kanya-kanyang ginaganap ito ng bawat campuses at mga kolehiyo lamang nila ang mga nagpapaligsahan ngunit iniba nila ito ngayon upang magsama naman lahat ng mga estudyante ng UP. Espesyal ito para sa akin. Bukod sa minsan lang magdidiwang ng centennial ang paaralan ito din ang unang pagkakataong aatend ako ng lantern parade. Hindi ako nakasama noong isang taon dahil na rin umuwi ako sa aming probinsiya. Masaya ang naging parada dahil na rin mraming tao ang nanonood at marami ang nakilahok. Nakakapagod lang din dahil malaki ang oval sa Diliman at mahaba din ang naging parada. Makikitang inaghandaan ng lahat ang araw na ito dahil sa ganda ng mga dinisenyuhang floats na ginamit sa parada. Para sa akin napakgarbo ng mga disenyo kaya mahihirapan kang pumili ng pinakamaganda. Nakakaaliw tingnan ang mga ito lalo na ang presentasyon ng kolehiyo ng Fine Arts. Pinatunayan lamang nila ang kanilang galing sa larangang ito. Marami nga ang sumali. Sa haba ng parada natapos ito ng ika-7 ng gabi. Kumain muna kam sa tabi-tabi lamang. Sa totoo lang, mas mura ang mga pagkain doon keysa sa sa UPM. Nang matapos kami, tamang-tama ito para sa inaasahan naming fireworks display. Kaya isinakripisyo namin ng pag-uwi ng maaga sakay ng MRT na nagsasara ng 9pm para lang hintayin ang fireworks. Pero dahil huli na nang mag-umpisa ang parade, huli na rin ito ng matapos. Kahit anong mangyari sulit pa rin ang paghihintay dahil sa ganda ng fireworks. Korny man pero totoong “no words can describe the beauty of it”. Nang matapos ‘yon nahirapan kaming makalabas ng camous. Sa dami ng tao, halos lahat ng sasakyan ay puno na. dahil na rin wala nang MRT nakauwi ako ng bahay ng mga 11pm ng gabi. Buti na lamang at huling araw na iyon at bakasyon na rin. Super excited na ako sa bakasyon.

2ND SEM NA NAMAN

Pangalawang semestre na ng taon. Hindi ko masasabing excited ako dahil may apat na taon pa kaming bubunuin bago makapagtapos ng kolehiyo sa Dentistry. Sa tingin ko ay magiging isang malaking adbentyur ang semestring ito. Bakit? –kasi mayroon akong subject na Kemistry. Hindi naman sa ayaw ko ng kemistry, sa katunayan gusting-gusto ko ito noong high school. Ngunit noong kumuha kasi ako nito last year eh mababa ang nakuha kong marka kaya medyo nakakatakot siya. Lalo na ngayon at naging mas mahirap pa ito dahil organic kemistry na ito. Kailangan talag ng tiyaga dito. Iyon lang naman ang medyo mahirap na subject ngayong taon bukod pa sa PI 100 na pg-aaral sa buhay at mga gawa ni Jose Rizal. Hindi naman sa ayaw ko kay Rizal. Masay kaya talakayin ang Noli at Fili niya. Pero ang mga subject na medyo related sa kasaysayan ay nangangailangan ng pagmememorya. Ayaw ko pa naman ng magmememorya ng kng anu-ano. Naalala ko tuloy ang Kasaysayan 2 ko noong isang semestre. Tungkol ito sa kasaysayan ng Asya at kailangan ay memoryado mong lahat ng mga pangyayari doon. Idagdag mo pa ng mga tao, lugar at petsa. Nakakabangag din ‘yon. Ikaw ba naman ang bigyan ng eksam na aabot ng apat na raang puntos. Okay lang ang 400 puntos kung essay lahat. Ngunit hindi naman lahat pahirap sa semestreng ito. Nariyang ang Hum 2 kung saan hindi kailangang mastress ka. Kaya nga may mga GE subjects pa para saluhing ang lumulubog na mga mga GWA dahil sa mga majors. Basta wish ko lang maging masaya at worth taking ang semestreng ito. Sa tingin ko naman hindi mahirap iyon. i just want to enjoy life as much as I want to learn from it

UP MANILA CHORALE Messiah Concert

Noong ika-13 ng Disyembre 2008 naganap ang konsyerto ng UP Manila Chorale sa awditoryum ng PhilAm Life sa UN Ave. Napakaangkop ng lugar para dito para mapreserba ng solemnidad ng kaganapan. Marami ang nanood na nagpapakita lang na likas na mahilig talaga sa musika ang mga Pilipino at kilalang-kilala ang grupo sa lahat ng tao. Marami na silang napanalunang paligsahan at marami na ring naiuwing parangal hindi lamng dito sa loob ng bansa kundi maging sa ibang panig ng mundo. Sila ay malaking halimbawa ng tunay na talentong pinoy.Punong-puno ang lugar at nang lumabas na sila upang umpisahan ang programa nanayuan ang aking mga balahibo hindi dahil malamig ang lugar. Ibang pakiramdam ang talagang madarama mo dahil na rin sa mala-anghel nilang boses. Angkop na angkop ito sa panahon ng kapaskuhan. Mahilig din ako sa musika tulad ng lahat ngunit ang ideya ng isang chorale concert ay boring ang dating sa akin. Para kasing magkaktunog lang ang lahat ng mga chorale songs na malumanay ang himig. Siguro ay dahil na rin mas uso at nasanay na ang kabataan ngayon ang rock o musika na makabasag tenga o mga love songs basta mabilis ang beat. Pero nang napanood ko sila masasabi kong sulit naman talaga silang panoorin. Nakakatuwa dahil makikita ang kasayahan sa mukha nila habang kumakanta at alam ng nanonood na gusting-gusto nila ang kanilang ginagawa. Ang kasiyahan ding ito ay nakaalis ng antok ng sino mang nakikinig sa tila nanghehele nilang tinig habang inaawit ang mga kantang pamasko n ginawa ni G.F. Handel Messiah. Nagkaroon ng munting raffle at hindi ako mapalad na manalo ng whole body massage pero okay na rin iyon.Sa kabuuhan, masaya ang konsyerto at tila wal namang pumalya. Masasabi kong nagampanan naman ng bawat isa sa kanila ang mga dapat nilang gawin. Isa iyon sa mga nagging dahilan kung bakit naging matagumpay ang kanilang konsyerto at nagtagumpay sila sa lahat ng iba pang mga bagay na kanilang haharapin, ang pagkakaisa nila.

Tuesday, December 2, 2008

pagtingin sa kagandahan ng ngipin=p

Iisa man ang kahulugan ng ngiti may iba-iba namang paraan ng pagtingin ng isang magandang ngiti. Ang ating mga ngipin ang pinakamahalagang parte na nagpapaganda kahit ng isang simpleng ngiti lamang. Ngunit ano nga ba ang magandang ngipin? Paano nga ba malalaman kung maganda ang mga ngipin ng isang tao? May mga criteria ba ito? Iba-iba ang paghuhusga ng kagandahan ng ngipin sa iba't -ibang lugar sa Pilipinas. Iba-iba din ito ayon sa kaugalian, kultura at sining na kinabibilangan ng isang tao. Ngunit masasabing ang panahon ang may pinakamalaking bahagi na nagpapabago sa batayang ito ng kagandahan.


Nag-iiba ang batayan ng isang magandang ngipin sa paglipas ng panahon.

Ngiping katutubo:
Para sa mga T'boli ng SOCCSKSARGEN ang mapuputing ngipin ay pangit at nararapat lamang sa mga hayop, kung kaya isinasagawa nila ang tamblang, o ang pagkikil ng ngipin upang maging pantay ang mga ito, pagkatapos ay ang pagpapaitim ng ngipin gamit ang dagta ng balat ng punong kahoy tulad ng silob o olit. Ang iba sa kanila ay ginaya ang gawain ng mga kabilang sa pangkat ng Muslim, na ang mga kilalang tao, tulad ng datu at kanyang mga asawa, ay naglalagay ng ginto sa ngipin bilang pagpapahiwatig na sila ay mayaman. Ang mga Tiruray naman, literal na hinahasa ang kanilang mga ngipin dahil para sa kanila mas matalim ay mas maganda. Ngunit marami ang pangkat na kinukulayan nila ang kanilang ngipin sa pamamagitan ng pagnganga ng mga bungang may iba't-ibang kulay. Sinasabing nagpapatibay daw ito ng ngipin at hindi basta- basta nabubulok. Makikita naman natin ito sa mga matatandang nag-nganganga pa rin. Nagpatuloy ito hanggang sa pagsakop sa Pilipinas at may iba pang buhay na buhay ang ganitong kaugalian. Wala naman silang dentista kaya sila na rin ang nangangalaga ng sarili nilang mga ngipin.

Ngiping naimpluwensiyahan ng pananakop:
Sa mga panahong ito ay may iba't-ibang ideya na ang pumapasok sa ating bansa. Mga ideya na malaki ang naibigay na pagbabago sa ating pamumuhay at pag-uugali. Noong panahon ng pananakop ng Espanyol at Amerikano ay hindi pa kilala ang sipilyo ngunit maganda na para sa kanila ang ngiping nilinis ng gugo o asin. Nagiging mapagmasid na rin ang mga Pilipino sa kalinisan ng katawan at ang modelo ng malinis na katawan na ito ay ang mga mananakop na nakakasalamuha nila.Nag-uumpisa na ring maging batayan ng magandang ngipi ang mapuputi at mala-perlas na kulay nito. Nababawasan na ang mga gumagamit ng nganga lalo na sa kapatagan dahil sa dulot nitong kakaibang kulay. Nag-uumpisa nang magkaroon ng mga serbisyong pangkalusugan sa panahong itongunit hindi pa ganoon kasikat ang mga dentista. Nag-uumpisa na ring magkaroon ng idolo ang mga Pilipino. Ang panahon ng Beatles, Greta Garbo atbp. kaya nagiging conscious ang mga Pilipino sa kanilang itsura.

21st century teeth:
Ngayon iba-iba na ibinibigay na serbisyong pangkalusugan, may iba't-ibang batayan na rin ng magandang ngipin. Uso na kasi ang mga braces at may pustiso na rin para mukha pa ring kumpleto ang ngipin kahit hindi na. Ngayon mas maraming kolorete mas maganda. Ngayon hindi lang ngipin kundi pati gilagid at ngala-ngala may disenyo na. Pwede na magpalagay ng tattoo at dyamante kung gugustuhin pa. Ngayon nagiging mayaman ang mga Aesthetic Dentist na ngayon lang din naglipana sa bansa upang magbigay ng serbisyong ito. Ngayon ang mga ngipin ay nabibigyan na ng malaking pansin. Hindi lamang nakukuntento ang mga tao sa nose lift o botox kundi nagkakaroon na rin sila ng paghahangad ng mga magagandang ngipin.

Iba-ibang panahon, iba-ibang batayan. Ngunit mas matamis ang ngiti kung ito ay totoo at hindi lamang dahil maganda ang mga ngiping napapaloob dito.

Thursday, November 20, 2008

teorya ng mga pinagmulan ng wika

Mahirap matukoy ang tunay na pinagmulan ng wika dahil malaking palaisipan sa ating lahat kung paano ito nagsimula , kung saan, kalian at bakit ito nagbago sa palipas ng panahon sa iba’t ibang lugar. Mahirap din malaman kung ang wikang ginagamit natin ngayon ay katulad ng salitang ginagamit din ng mga sinaunang taong nabuhay sa mundo. Hindi man natin ito binibigyan ng malaking pansin pero dapat alam natin ang ating pinagmulan upang mas maintindihan natin ang ating kasalukuyan. Malaki ang epekto nito sa ating pamumuhay dahil kung hindi nabigyang buhay ang wika, nabubuhy tayo sa isang magulong mundo ngayon.
Ayon kay Edward Vajda may dalawang pangunahing batayan ng pinagmulan ng wika sa buong mundo. Ito ay mga teoryang pinaniniwalaan ng mga syentipiko. Ito ang mga paniniwala batay sa relihiyon at sa syensiya.

Sinasabi ng paniniwalang batay sa relihiyon na ipinagkaloob ng Diyos ang wikang ginagamit ng tao. Ayon sa Bibliya, naiintindihan pa ni Adam ang lahat ng wika ng mga tao, anghel at pati sa mga hayop. Siya rin ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng mga hayop at halaman sa paligid niya. Ayon din dito, isa lamang ang wiknag ginagamit sa buong mundo. Ang pagpapatayo ng tore ng Babel dahil ninais ang mga tao na abutin ang Diyos. Nagalit daw dito ag Diyos at nagsabog siya ng maraming wika upang malito ang lahat ng mga tao at sila ay hindi nagkaintindihan.

Maraming batayan ang pinagmulan ng wika batay sa syentipikong paraan. Sa paglipas ng panahon maraming teorya ang lumabas na angpapaliwanag sa pnagmulan ng wikang ginagamit sa kasalukuyan. Ito ay nakamit natin dahil matiyagang pananaliksk ng mga syentiikong nagbigay ng kanilang oras at buhay sa pagtuklas dito. Sina by Max Müller and George Romanes ang mga masigasig na nag-aral tungkol dito.

Ang mga teoryang ito na inisa-isa ni Dr. C. George Boeree ay ang:
1.mama theory- nagsasabing ang wika ay nagsimula sa mga madaling ibigkas na mga salita na tinutukoy nila sa mga bagay-bagay.
2. ta-ta theory- si Richard Paget na gumawa ng teoryang ito ay naimpluwensiyahan ni Charles Darwin at naniniwalang ang wika ay resulta ng paggalaw ng mga parte ng katawan lalo na ng dila at bunganga.
3. bow-wow theory- nagsasabing ang paggaya sa mga tunog ng bagay sa paligid ginaya lamang ng tao at nagbunga sa pagkakaroon ng wika.
4. pooh-pooh theory- nagsasaad na ang wika ay bunga ng mga emosyon ng tao at nag-umpisa sa mga biglaang nasasambit nito tulad ng aray! para sa sakit, o oh! para sa gulat.
5.ding-dong theory- ang wika ay nag-umpisa sa mga simbolismo at may malaking pagkakaugnay ang salita sa itsura ng bagay na tinutukoy nito; ang mga malilit at maiiklling bagay ay may mababa at madaling mabigkas na mga salita
6.yo-he-ho theory- sinasabi lamang nito na ang mga salita noong una ay mga ungol o atungal lamang na nabuo sa bibig dahil may mga bagay na gustong ipahiatig at sa paglipas ng panahon ay nagkaroon ng kahulugan ang mga salitang ito
7.sing-song theory- sinasabing ang mga unang binigkas na salita ay may tono at mahaba bigkasin upang madali itong sabihin
8.hey you! Theory- dahil sa kagustuhan ng tao na makipag-ugnayan sa ibang tao o bagay sa paligid niya gumawa siya ng paraan upang maisakatuparan ito.
9.hocus pocus theory- nagsasabing ang wika ay nag-umpisa sa mga ritwal na ginagamit noon
10.eureka! Theory-sinasabing naimbento ang wika nang hindi sinasadya.

Naniniwala ako na ang pinagsamang dalawang pangunahing teorya sa pagkakabuo ng wika ay ang dahilan ng pagkakaroon ng wika ngayon. Ang wika ay maaring nilikha nga ng Diyos at nilinang lamang ng tao. Nag-umpisa ito sa ito sa mga simpleng salita na madaling ibigkas. Ang mga salitang ito ay maaring bunga ng ating emosyon na kailangan nating ipahayag tulad ng pagkatapilok o maaring narinig lamang natin sa ibang tao o sa mga bagay sa paligid natin. Ang mga salitang ito din ay maaaring representasyon natin sa mga bagay na nakita na at nagkaroon tayo ng pagnanais na pangalanan ang mag ito. Ang pagbabago ng wika ay maaring bunga ng ebolusyon ng mga salitang ginagamit sa isang lugar upang mas madaling magkaintindihan ang mga tao doon. Maaaring ito rin ay dahil sa pagbabago at pagsulpot ng mga idea na iba sa nakasanayan nila.